Psalms 104

1Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko, Yahweh aking Diyos, lubhang kahanga-hanga ka; dinadamitan ka ng kaningningan at kamahalan. 2Nilulukuban mo ang iyong sarili ng liwanag gaya ng isang damit; inilalatag mo ang kalangitan na parang isang kurtina ng tolda. 3Nilalagay mo ang mga biga ng iyong mga silid sa ibabaw ng mga ulap; ginagawa mong sariling karwahe ang mga ulap; lumalakad ka sa ibabaw ng mga pakpak ng hangin.

4Ginagawa niyang mensahero niya ang mga hangin, mga liyab ng apoy ay kanyang mga lingkod. 5Inilagay niya ang mga pundasyon ng daigdig, at hindi ito kailanman matitinag.

6Binalot mo ang daigdig ng tubig tulad ng isang damit; binalot ng tubig ang mga bundok. 7Ang pagsusuway mo ang nagpaurong ng mga tubig; sa tunog ng iyong dumadagundong na tinig, sila ay lumayo.

8Lumitaw ang mga bundok, lumatag ang mga lambak sa mga lugar na itinalaga mo sa kanila. 9Nagtakda ka ng isang hangganan para sa kanila na hindi nila tatawirin; hindi na nila muling babalutin ang daigdig.

10Pinadaloy niya ang mga bukal sa mga lambak; Dumadaloy ang mga batis sa pagitan ng mga bundok. 11Nagdadala sila ng tubig para sa lahat ng mga hayop sa bukid; napapawi ang pagkauhaw ng mga maiilap na asno. 12Sa may tabing-ilog, ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad; umaawit sila sa mga sanga.

13Dinidiligan niya ang mga bundok mula sa kanyang mga silid ng tubig sa kalangitan. Napupuno ang daigdig ng bunga ng kanyang mga gawain. 14Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 15Gumagawa siya ng alak para pasayahin ang tao, langis para magliwanag ang kanyang mukha, at pagkain para magpatuloy ang kanyang buhay.

16Nadidiligan nang mabuti ang mga puno ni Yahweh; itinanim niya ang mga sedar ng Lebanon. 17Doon ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad. Ginagawang tahanan ng tagak ang puno ng pir. 18Naninirahan sa matataas na bundok ang mababangis na kambing; ang kaitaasan ng bundok ay isang kanlungan para sa mga kuneho.

19Itinalaga niya ang buwan bilang tanda ng mga panahon; alam ng araw ang oras ng kanyang paglubog. 20Ginawa mo ang kadiliman ng gabi kung kailan lahat ng mga hayop sa gubat ay lumalabas.

21Umuungol ang mga batang leon para sa kanilang huli at naghahanap sila ng pagkain mula sa Diyos. 22Sa pagsikat ng araw, bumabalik at natutulog sila sa kanilang mga lungga.

23Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi. 24Yahweh, kayrami at iba’t iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo.

25Banda roon ay ang dagat, malalim at malawak, punong-puno ng hindi mabilang na mga nilalang, kapwa maliit at malaki. 26Naglalakbay doon ang mga barko, at naroroon din si Leviatan, na hinubog mo para maglaro sa dagat.

27Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan.

29Kapag itinatago mo ang iyong mukha, sila ay nababagabag; kapag nilalagot mo ang kanilang hininga, sila ay namamatay at nauuwi sa alabok. 30Kapag ipinapadala mo ang iyong Espiritu, sila ay nalilikha, at pinapanumbalik mo ang kanayunan.

31Nawa manatili magpakailanman ang kaluwalhatian ni Yahweh; masiyahan nawa si Yahweh sa kanyang nilikha. 32Pinagmamasdan niya ang daigdig, at ito ay nayayanig; hinahawakan niya ang kabundukan, at ang mga iyon ay umuusok.

33Aawit ako kay Yahweh ng buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 34Nawa maging matamis ang aking mga isipan sa kanya; magagalak ako kay Yahweh.

Mawala nawa ang mga makasalanan mula sa daigdig, at ang mga masasama ay maglaho. Nagbibigay ako ng papuri kay Yahweh ng buong buhay ko. Purihin si Yahweh.

35

Copyright information for TglULB